Books

CHAOS THEORY

Tumatawid ang Chaos Theory ni Enrique S. Villasis, ang kaniyang ikatlong aklat ng mga tula, sa pagitan ng siyentipikong pormula at lirikong alaala.  Dito, bumabaluktot ang oras, naninimdim ang mga atomo, at binubuhay ang mga posibilidad ng multiberso. Minamapa ng koleksyon na ito ang mga hindi natin nakikitang balangkas ng personal at historikal na lumbay: ang wala nang talim na kutsilyo, ang pagaspas ng pakpak ng paruparo na lilikha ng delubyo, ang radyoaktibong katahimikan ng nawasak na lungsod, ang bigat ng pagmumulto ng mga magkakapangalan. Sa pamamagitan ng mga matalim ngunit maselang pagsisiyasat at imahen, isinalin ni Villasis ang mga siyentipikong ekwasyon sa lirikal na wika ng pagkamangha’t pagdadalamhati.

Blurb para sa Chaos Theory

Paminsan-minsan makababasa tayo ng mga tulang magmumulat sa atin sa taglay na lalim ng bawat sandali; hihinga tayo nang mas malalim, aangkinin ang biglang pagkislot sa dibdib, titingin sa bintana, iisiping, “Sana ako na lang ang nagsulat noon,” na ang totoo namang ibig sabihin ay, “Kung kaya ko lang sanang magsulat nang ganoon.” Ngunit hindi, dahil walang kayang gumawa ng ginagawa ni Enrique Villasis sa wika, sa dalumat, sa mismong pintig ng ibig-sabihin. Sa Chaos Theory, ipinamamalas ni Villasis ang buong lawak ng kanyang kapangyarihang arukin ang “koreograpiya ng mga aksidente na hindi natin napapansin,” at mula dito, habiin ang panganoring nananalig “hindi sa pagkawasak ng mga bagay, kundi sa pagbitbit ng init.” Pangatlong aklat pa lang ito ni Villasis, ngunit ngayon pa lang, mangangahas na akong sabihing kahanay na siya sa pantheon ng pinakadakilang mga makata sa mahabang kasaysayan ng panulaang Pilipino. Itinuturing ko ang sariling mapalad na mabuhay sa isang panahon kung kailan maaaring mabasa ang mga tula ng isang En Villasis.

Mikael De Lara Co

May sinisikap itatag ang mga tula ni Enrique S. Villasis sa Chaos Theory, ang kanyang ikatlong koleksiyon at yari ito sa mga bitak. Malay ang makata sa pambihirang kakayahan ng tula na mapag-ugnay ang mga hindi-akalain. Tinatalunton ng kanyang mga taludtod ang mga sangangdaan, mga guwang, at mga espasyong hitik sa posibilidad upang makapagpanukala ng salalayan ng mga tila watak-watak na pangyayari. Habang naglulubid ng mga haka sa hangin, binuubuo rin ng mga tula ang tiwala upang makasabay na lumundag ang isipan ng mambabasa dahil may patuloy na natutuntungang lugod sa pandama. Nakasalalay ito sa maharayang mga proposisyon na mapangahas na napagtatagpo (magkasabay na suot ni En sa aklat na ito ang matigas na sumbrero ng inhinhinyero at ang kupas na salakot ng makata) ang malaki at maliit, ang malayo at malapit, ang agham at sining, ang lohika ng pamahiin at batas ng pisika. Ang tanging pumipigil sa mga tula sa bingit ng kaguluhan ng kahit-na-ano ay ang makataong hangarin na mapagana ang imahinasyon upang higit tayong maging malay sa naidudulot natin sa isa’t isa na maaaring mapaminsala. Isa itong paanyaya upang damhin ang pagsasalikop ng malaon na at ang darating pa lamang sa dito-ngayon ng tula, ang lunan ng ating ahensya at mga pananagutan.

                                                                                                                                                                     Allan Popa

MANANSALA

You get a sense of what this ambitious sequence wants to achieve, but not by mere description or personal reflection. There is a necessary break that comes with the transposition of form, a kind of reassembling to make the subject matter his own… what draws other readers to these poems is the aspiration to freedom that they articulate, which resonates so deeply with our time.

Bernard Kean Capinpin

Imagining an entire sequence is difficult enough, even more so when the verses are ekphrastic ruminations on the oeuvre of a visual artist. Villasis accepted the challenge and does this triumphantly, surefootedly, in Manansala. This ambitious collection not only chronicles our national artist’s body of work but also carefully curates them for the reader, in the manner of poetry that involves the self, interweaves the past with the now, and patronizes the timelessness of art imagined and reimagined in literature.

Joel M. Toledo

Hindi na talaga si Mang Enteng Manansala ang binabasa ko rito kundi ang ang matinding pagsipat at pagtitig ni En Villasis sa sariling niyang sining, kahit ang solidong basehan nito ay ang malawak na sakop ng pintura ni Manansala. Siyempre si Manansala ang tanging paksa ng pagtula na En, ngunit, pakli ni En,

“sanay na sanay na akong magsinungaling: itago

Sa singit-singit ng mga talinghaga ang tunay na nadarama.
Ang pagpuputol sa mga kahulugan. Sa mga taludtod…”

Nagmimistulang arlikin o pusóng ang makata sa pakikipaglaro sa bista at bisyon ng pintor, may dala siyang salamin, at ipinapatama sa liwanag araw upang magningas ang repleksiyon―literal man o patalinghaga. Kayâ basahin itong koleksiyon na may kuwidaw at paghamon sa sarili. Isang Hydra―halimaw na maraming ulo―ang tulang eksphrasis. Subalit dapat ay kontrolado ito ng makata upang hindi siya lamunin o maligaw ng landas. At si En Villasis ay walang-dudang isang maestro.

Marne Kilates

AGUA

Finalist. National Book Awards for Poetry in Filipino, 2015

Second edition, 2022; Librong Lira

Sapagkat kinasanayan na nating magmadali at sabihing higit pa sa mabaho’t malansang isda ang hindi magmahal sa sariling wika, sinisipat ang ganitong kaisipan ng unang koleksiyong ito ni En Villasis, na hindi na maaaring ganoon kasimplistiko ang maaaring pagtingin natin sa relasyon ng tao at sa kaniyang mga wika: Sapagkat bilasa ang salita ng di hinahasang dila at balisa ang diwa ng bayang nilisan na ng mga makata.

Sa kaniyang nagmamarka-sa-tubig na panulaan, muli tayong ibinabalik ng makata mula sa Masbate, sa isang pagsasalawas ng ating kapuluan, at ng isang daigdig na nasa anyo, ligid at yaman ng tubig. Sa koleksiyong ito litaw ang pagkabig at pagnanangilid sa bingit ng lahat ng mga maaaring maisilid, isang poetikang nakasandig sa kahulugan ng pagsisid at pag-ahon, sapagkat ang tula ay laging nasa pagbubuong-anyo, isang uri ng likidong kilalang-kilala ng lahat ng may hasang, ng lahat ng naghahabol ng hininga, sapagkat ang Agua ni Villasis ay nasa pagitan nang mga pagpipintig at pagtitig katulad ng sa isang sinaunang akwatikong nilalang na nagmamasid sa atin samantalang naghuhunos bilang buwaya o bakawan, o piranha, o pating, o dikya, o mga sea diver na pumipilantik sa hangin, o ang kilapsaw na pumuwing sa mata ng tubig, na sa mata ng makata ay siyang balintunang binabato-balani tayo papunta sa pusod ng kahulugan na sinasagot ang antigong bugtong na idinudulog sa atin sa bawat tulang nasa koleksiyong ito.


– Kristian Sendon Cordero

Mga bagay at nilalang na nasa tubig ang laman ng koleksiyong ito; mga tula na sumusuyod sa rabaw at pusod ng mga anyong tubig. Para itong paglalakbay sa karagatan gamit ang bangka at vinta; paglangoy kasama ng orka, pawikan, at pugita. Binibigyan tayo ni Enrique S. Villasis ng hasang upang sisirin ang kalaliman ng mga paksa na bagaman mabigat ay lumulutang nang may kung anong gaan. Inililista natin sa tubig ang anumang nais nating kalimutan. Pero sa Agua, ang pagtatala ay hindi lamang paghahanay at pag-alaala, kundi pagtitiyak na mananatili ang mga bagay at nilalang na ito, ang mga tula na naririto. Hindi na natin kailangan ng mahiwagang kabibe upang makahinga at makita nang malinaw ang kaibuturan ng tubig. Sapat na ang pagbasa sa aklat ni Villasis upang maging sirena tayo kahit saglit, upang patunayang tunay ngang “namumulaklak ang alinsangang dagat” sa kamay ng isang mahusay na makata.

– Jerry Gracio