Chaos Theory

Tumatawid ang Chaos Theory ni Enrique S. Villasis, ang kaniyang ikatlong aklat ng mga tula, sa pagitan ng siyentipikong pormula at lirikong alaala. Dito, bumabaluktot ang oras, naninimdim ang mga atomo, at binubuhay ang mga posibilidad ng multiberso. Minamapa ng koleksyon na ito ang mga hindi natin nakikitang balangkas ng personal at historikal na lumbay: ang wala nang talim na kutsilyo, ang pagaspas ng pakpak ng paruparo na lilikha ng delubyo, ang radyoaktibong katahimikan ng nawasak na lungsod, ang bigat ng pagmumulto ng mga magkakapangalan. Sa pamamagitan ng mga matalim ngunit maselang pagsisiyasat at imahen, isinalin ni Villasis ang mga siyentipikong ekwasyon sa lirikal na wika ng pagkamangha’t pagdadalamhati.
Blurb para sa Chaos Theory
Paminsan-minsan makababasa tayo ng mga tulang magmumulat sa atin sa taglay na lalim ng bawat sandali; hihinga tayo nang mas malalim, aangkinin ang biglang pagkislot sa dibdib, titingin sa bintana, iisiping, “Sana ako na lang ang nagsulat noon,” na ang totoo namang ibig sabihin ay, “Kung kaya ko lang sanang magsulat nang ganoon.” Ngunit hindi, dahil walang kayang gumawa ng ginagawa ni Enrique Villasis sa wika, sa dalumat, sa mismong pintig ng ibig-sabihin. Sa Chaos Theory, ipinamamalas ni Villasis ang buong lawak ng kanyang kapangyarihang arukin ang “koreograpiya ng mga aksidente na hindi natin napapansin,” at mula dito, habiin ang panganoring nananalig “hindi sa pagkawasak ng mga bagay, kundi sa pagbitbit ng init.” Pangatlong aklat pa lang ito ni Villasis, ngunit ngayon pa lang, mangangahas na akong sabihing kahanay na siya sa pantheon ng pinakadakilang mga makata sa mahabang kasaysayan ng panulaang Pilipino. Itinuturing ko ang sariling mapalad na mabuhay sa isang panahon kung kailan maaaring mabasa ang mga tula ng isang En Villasis.
Mikael De Lara Co
May sinisikap itatag ang mga tula ni Enrique S. Villasis sa Chaos Theory, ang kanyang ikatlong koleksiyon at yari ito sa mga bitak. Malay ang makata sa pambihirang kakayahan ng tula na mapag-ugnay ang mga hindi-akalain. Tinatalunton ng kanyang mga taludtod ang mga sangangdaan, mga guwang, at mga espasyong hitik sa posibilidad upang makapagpanukala ng salalayan ng mga tila watak-watak na pangyayari. Habang naglulubid ng mga haka sa hangin, binuubuo rin ng mga tula ang tiwala upang makasabay na lumundag ang isipan ng mambabasa dahil may patuloy na natutuntungang lugod sa pandama. Nakasalalay ito sa maharayang mga proposisyon na mapangahas na napagtatagpo (magkasabay na suot ni En sa aklat na ito ang matigas na sumbrero ng inhinhinyero at ang kupas na salakot ng makata) ang malaki at maliit, ang malayo at malapit, ang agham at sining, ang lohika ng pamahiin at batas ng pisika. Ang tanging pumipigil sa mga tula sa bingit ng kaguluhan ng kahit-na-ano ay ang makataong hangarin na mapagana ang imahinasyon upang higit tayong maging malay sa naidudulot natin sa isa’t isa na maaaring mapaminsala. Isa itong paanyaya upang damhin ang pagsasalikop ng malaon na at ang darating pa lamang sa dito-ngayon ng tula, ang lunan ng ating ahensya at mga pananagutan.
Allan Popa

